November 2011
4 posts
Siguro nga dapat sa wattpad na lang ako. Itutuloy ko na lang yung sinusulat ko. Iiwas muna ako rito sa Tumblr. Hindi ko rin kasi mabuksan sa opisina. Pasensya na, pero babalik-balik pa rin naman ako dito. Madalang na nga lang siguro sa dati nang madalang na paglalagi ko rito noon.
Kung sakali namang gusto niyo akong sundan, hindi ko kayo hahadlangan. I-click lamang ito. ‘Yun naman ay kung gusto niyo lang. Walang pilitan dito. Sa totoo lang ayoko ngang may makakilala sa’kin dun eh. Gusto ko lang ng tahimik na pagsusulat.
Kaya, paano na? Hanggang sa muli na lamang mga kids. Paalam na muna..
Kung maibabalik ko lang ang takbo ng panahon. Kung may magagawa pa ako para mabago ang ngayon. Gagawin lahat upang maibalik lamang, ang dati’y walang kasing wagas. Pagmamahal na sa’kin ay iyong ipinamalas. Pipilitin kong pihitin ang ang kamay ng oras. Nang muli ay mapunan ang panahon na aking pinalampas. Mga pagkakataong nalimutan kong bigyan ng halaga. Kung napansin ko nga lang sana. Mga oras na ito’y pinuno ko sana ng saya. Dahil wala nang mas mahalaga kaysa sa impit mong tawa. Kaligayahang hindi mo maikukubli. Hanggang sa paghimbing ay maghahatid sa’yo ng ngiti. Kung alam ko lang na ganito kabilis lamang matatapos ang lahat. Kung napansin ko lang na hapdi sa’yong balat. Sana’y napansin ko na lamang ang kinahahantungan para sa’ting dalawa. Ngayon pang iniwan na tayo ng iyong ina.
Nahirapan ako noon at ikaw ang pinagbalingan, ng galit at poot na sa puso ko’y umusbong para manirahan. Halos gabi-gabi akong lasing at wala sa katinuan. Mga nagawa kong hindi dapat ay limot na kinabukasan. Wala na ang iyong ina. Lalong ayaw kong mawala ka.
Kahit minsan ay di ko ginusto na ikaw ay mapariwara. Ngunit dahil sa mga nagawa ko, pinto mo’y tuluyan nang sumara. Ngayon ay alam ko nang meron pa ring tayong dalawa. Na mali ang iniisip ko noong nasasaktan kita. Isa lamang ang bagay na hindi ko makuha. Batam-bata ka pa pero kinuha ka na niya. Kung kailang alam ko nang mayroon akong kasama. Kung kailan kailangan kailangan kita.
Alam kong huli na at wala na rin akong magagawa. Sa pagpikit, iyong mukha ang siya’ng lagi kong nakikita. Alaalang ngayon lamang dumadaan sa aking hinuha. Mabibilis na sandali, iglap na noon ay nahuli ng aking mga mata. Di sapat ang puyat at luha para sa aking pagluluksa. Mali nga bang sisihin ang sarili para sa ‘yong pagkawala? Kung alam ko naman na ako dapat ang namutla at ngayo’y nakahiga.
Kung maibabalik ko lang ang takbo ng panahon. Kung may magagawa lamang ako upang mabago ang ngayon. Gagawin ko lahat maibalik lamang, ang iyong labi kalakip ang masasayang ngiti. Masayang naglalaro at tila di alam ang paghikbi. Pipilitin kong pihitin ang ang kamay ng oras. Babaguhin ang nakaraan na sa akin mo dinanas. Masasamang alaala na dinulot ko sa iyo. Buburahin ko para sa pagkalimot mo. Gagawin ko ang lahat para sa aking unica-hija. Kung nasaan ka man ay patawarin mo si Papa.
Tandaan mo anak, mahal na mahal ka ni Papa.
Maaring hindi ko ‘yung naipadama, pero di na mababago pa.