Peypon.
Nauubos na ang barya ko. Nauubos na ang inipong pera para makausap ka. Kaltas ng kaltas sa umaagos na sandali. Ayaw ko pang matapos ang hatid nitong kiliti. Hatid ng iyong tinig sa aking pandinig. Omaygad! Hindi ko na mapigil pa ang kilig. Malayo ka at ako naman ngayo’y nag-iisa. Kung alam mo lang ang pinagdaraanan kong pagdurusa. Hindi madali ang ganito. Natatakot ako sa sarili kong anino. Mali bang mangamba? ‘Di naman kasi malabo na may makita kang iba. Lalo ngayon na hindi tayo nagkikita. Lalo pa ngayon na sabik ako sa’yong pagsinta. Ngunit kahit ganoon ay umaasa pa rin ako, na maaari pa natin itong ipagpatuloy sa sitwasyong ganito. Kahit gaano kahirap ay handa ko namang tiisin. H’wag ka lang mawala sa akin. Hindi ko sasabihin na sa aking piling. Dahil malayo ka, di maabot ng tingin.
Kahit na napakalayo ng ating pagitan. Di ako susuko’t makaaasa kang di tatalikuran. Naniniwala ako na mananatili kang sa akin. Pagmamahal ko sa’yo ipahahatid sa hangin. Sa mga oras na tinig mo lamang ang aking sandigan. Tanging barya lamang ang aking kailangan. Ngunit ngayon ay malapit ng maubos ang naipon kong barya. Nauubos na ang oras na pakiramdam ko narito’t kasama lang kita. Ilang sandali na lamang ay maglalaho na, ang mundo kung saan ikaw ay nakakasama. Habang nauubos ang oras ay nadarama kong ang muling pagbabalik, ng inip at ng pananabik. Sabik na muli kang makita at makasama. Masilayan muli ang iyong ganda.
O siya. Wala na akong barya. Magpapapalit muna ako sa tindahan.
Call you later.